Monday, March 21, 2011

Maraming Salamat. Paalam Aming Mamay...

March 21, 1921 - March 20, 2011

Masipag, matiyaga, mapagmahal, matatag at sa kabila ng kahirapan ng buhay, itinaguyod ang kanyang pamilya sa abot ng kanyang makakaya. Ilan sa mga katangiang hinangaan ng marami.

Bilang asawa, hindi matatawaran ang pagibig na kanyang inialay. Naalala ko pa simula pagkabata ko ang mga katagang "Ke saya naman nila, ke lambing nila sa isat isa. Ganyan sila sa tuwing aming makikita, magkahawak ang kamay at akay akay ang isat isa. Siguro kahit sa pagtanda, walang magbabago sa kanilang pagsasama." Kay gandang pagmasdan, walang kahalintulad. Sila ang buhay na patunay ng tunay na pag-ibig, ng tunay na pagmamahal. Walang wagas, hanggang sa huling hininga ng kanyang buhay. 

Bilang ama ng pitong supling at haligi ng tahanan, itinaguyod niya ang kanyang pamilya sa kabila ng kahirapan ng buhay. Ginawa ang lahat upang mapag-aral ang bawat anak at magkaroon ng magandang kinabukasan. Subalit talagang hindi madali ang buhay para sa ilan. Hindi man lahat nakapagtapos ay masasabi pa ring nagtagumpay sya sa pagpapalaki at pagtataguyod ng kanyang mga anak. Sila'y lumaking taglay ang mga katangian ng pagiging masipag, matiyaga, masunurin, mapagmahal sa isat isa at higit sa lahat ang pagkakaroon ng takot sa Diyos. Isang amang iginagalang ng mga anak, at ang bawat salita ay hindi lang pinakikinggan subalit makapangyarihang sinusunod ng lahat.

Dumating ang panahong kailangang iwan ng mga anak ang mga magulang upang bumuo ng sariling pamilya. At doon nagsimulang mamuhay sila ng sarili sa munting tahanan sa ilaya. Subalit walang nagbago, bagkus ay lalong umigting ang pagmamahalang tanging mga mata lang nila ang nakakakita at tanging mga puso lang nila ang nakadarama. 

Lumago ang pamilyang kanyang itinaguyod. Nagkaroon ng mga supling ang dating mga batang kanyang inaruga at pinalaki. Nagkaroon ng bunga ang mga punong kanyang itinanim mula sa mga punla na dinilig ng pagmamahal at pagaalaga. Tunay na kaligayahan ang katapat ng bawat bungang dumaragdag sa bawat puno. Hanggang sa lumawak ang taniman at bumunga ng mas marami ang mga punong iyon. At isa ako sa mga bungang iyon. Isa akong bungang pinalad na mabuhay sa mundong ibabaw. 

Simulang pagkabata ko'y naging pasyalan namin ang munting tahanan sa ilaya. At alam at ramdam ko na bawat pagdalaw ay walang kapantay na kaligayahan ang naidudulot namin sa kanila. Hindi kayang pantayan ng kahit anong materyal na bagay sa mundo. Hindi man ganun kadalas ang pagdalaw, sinisiguro naming kaligayahan ang dulot ng bawat mukhang nakaukit sa kanilang puso at isip, ng bawat hugis ng bunga ng punong kanilang inaruga at kinalinga. 

Subalit hindi palaging ganoon ang buhay. Hindi habang panahon ay mananatili tayong bata o dalaga o binata. Habang tumatagal tayo sa mundo, tayo ay tumatanda. At hindi lahat ay kaya nating labanan. Ang dating masigla, masayahin at malakas na tikas ay napapalitan ng kahinaan. Ang kahinaang maaaring magpatalo sa ating pakikidigma sa buhay. Ang kahinaang maaaring maging dahilan ng kahilingan nating magkaroon ng kapahingahan.

Ang MAMAY. Siya ang aking tinutukoy. Napakahaba ng kanyang itinigil sa mundo. Siyamnapong taon ng pakikipaglaban sa buhay. At dumating ang panahon sa kanyang buhay na tanging ang kalinga ng asawa, suporta at pagaalaga ng mga anak at apo at ang pananalig sa Panginoon ang tanging naging sandigan nya sa pakikipaglaban. Subalit masasabi kong ang pakikipaglabang ito ay tanging kaligayahan ang kapantay. Kaligayahan sa piling ng asawa, mga anak at mga apo. 

MAMAY, isang karangalan ang pagkasilang namin sa mundong ito, isang karangalan na sa iyong pagtataguyod nagmula. Ipinagmamalaki naming ikaw ang aming punong pinagbungahan. Sapagkat isa kang kahanga hangang ama at mamay. Naway nasuklian namin ng kaligayahan at pagmamahal ang pagbibigay mo sa amin ng buhay sa mundo. At ngayo'y ipinapanalangin namin at hinihiling na sana'y masumpungan mo ang kaligayahan at kapahingahang walang hanggan sa piling ng Panginoon. 

MAMAY... mahal na mahal ka namin. Pangakong hindi ka mawawala sa aming mga ala ala at habang buhay na mananatili ka sa aming puso. Taos pusong pasasalamat mula sa iyong pamilya... PAALAM AMING MAMAY...

No comments:

Post a Comment